Nagising ka bigla sa iyong pagkatulog
Nakasakay ka pala sa jeep, papauwi galing trabaho
Medyo malabo pa ang paningin mo
Tinignan mo ang iyong mga katabi
Bigla kang nagulat dahil ang iyong katabi ay dati mong kaklase sa eskwelahan
Napatingin siya sa iyo at bigla kang lumingon, kunwari’y di mo siya napansin
Tinapik ka niya sa iyong braso, sabay nginitian
“Uy! Pedro! Kamusta ka na?”
Ikaw ay kinabahan, sabay mong naisip..
(Ano nga pala ang pangalan nito?)
Dahan-dahan kang lumingon patungo sa kanya, pinilit mong ngumiti ngunit ikaw ay kinabahan
“Ah! Ayos lang ako, hehe! Kamusta na…ikaw.”
“Ok lang…nakalimutan mo na yata ako eh. Seat-mate mo ako nung highschool!”
“Oo nga pala! Ikaw si…”
~Katapusan~
Aking binansagang Forgotten Acquaintance Name ang pangyayaring ito.
Hindi Forgotten Friend Name, dahil ang tunay na magkaibigan ay hindi nagkakalimutan ng pangalan.
Ano ang gagawin mo sa sitwasyong ito? May ilang paraan upang hindi mapahiya sa iyong kakilala.
Unang paraan:
Kung ang kakilala mo naka-nurse uniform (90% chance na mangyari ito), tignan mo kung mayroon siyang suot na nurse ID pin. Nakalagay dito ang initials ng pangalan niya at apelyido.
Tamang halimbawa:
“Oo nga pala! Ikaw si…”
Sabay tingin sa ID pin
(Aha! Cruz, A. R. pala)
“Cruz diba? Cruz, Aaaaaaaaaaaa…”
“Ana!”
“Ayun, Ana Cruz! Haha! Sabi ko sayo di ko nalimutan eh.”
(Buti na lang, nurse siya)
Pangalawang paraan:
Kung ang kakilala mo ay nag-aaral pa ng kolehiyo at mayroon siyang dala-dalang libro. Tignan mo ang libro kung mayroon kang makikitang nakasulat na pangalan sa gilid o sa harap ng libro. Mag-ingat lamang dahil minsan ay hindi ito gumagana.
Maling halimbawa:
“Oo nga pala! Ikaw si…”
Sabay tingin sa dalang libro
(Aha! Ellen DeGenerous pala)
“Ellen! Haha! Kamusta na ba Ells?”
“May pa-Ells Ells ka pa diyan! Ako si Ana Cruz!”
“Tinignan mo yung libro ko no? Hiningi ko lang ito sa aking mapag-bigay na kaklase. Hmp!”
Pangatlong paraan:
Mag-imbento ka ng bansag sa iyong kaklase. Ito ay delikado, may chansang mas mapahiya ka ngunit kung tama ang iyong hula, iisipin niyang kilala mo siya talaga.
Tamang halimbawa:
“Oo nga pala! Ikaw si…”
(Pandesal? Sige, pandesal!)
“Pandesal! Ikaw si pandesal! Ikaw yung nagbabaon dati palagi ng pandesal no?”
“Ako nga! Pero wala nang tumatawag ng pandesal saking ngayon, Ana na lang tawag mo sa akin. Hihi!”
“Sige…Ana.”
(Akalain mo nga naman. Sumakto pa yung pandesal.)
Maling halimbawa:
“Oo nga pala! Ikaw si…”
(Siopao? Sige, siopao!)
“Siopao! Ikaw si siopao! Hahaha! Ang galing ko talaga maka-alala!”
“Anong siopao!? Dahil ba overweight ako noon, ha!? Dahil ba obese ako!?”
“Ha…hindi naman…”
“…”
“…”
“I hate you.”
Mga kaibigan, tayo’y magbasa ulit ng yearbook.
A.J.
Resident Computer scientist, part-time rockstar.